Tuesday, October 13, 2015

Kasaysayan ng Wikang Pambansa



Kasaysayan ng Wikang Filipino

Bawat bansa ay may kanya-kanyang wikang pambansa. Ang Pilipinas, na itunuturing na isang malayang bansa, ay may sariling wikang pambansa. Ito ay ang Wikang Filipino.

Bakit mahalagang magkaroon tayo ng wikang pambansa? Sang-ayon kay Dr. Isidro Dyan, isang dalub-wika mula sa Malaya - Polinesya, "Malaking kahihiyan para sa bansa kapag mayroong ginagamit na wikang dayuhan subalit di nag-aangkin ng sariling wikang pambansa. Kailangang magkaroon ng wikang pambansa upang malinang ang pambansang paggalang at pagkilala sa sarili.

Mahabang kasaysayan ang pagkakaroon ng wikang pambansa sa Pilipinas - ang Pilipino na nagmula sa Tagalog na pagkaraa’y naging Filipino. Ang kasalukuyang Filipino ay isang isyung naging sanhi ng pagsasalungatan lalo na ang mga taga-Cebu. Sabi ng mga Cebuano ang Filipino daw ay hindi pambansa kundi Tagalog na sinasalita lamang ng mga taong nasa katagalugan. Ngunit ipinaliwanag ng mga awtoridad sa Filipino na ang Wikang Filipino ay hindi Tagalog kundi ‘sing wikang nabuo at kinilalang "lingua franca" ng Kalakhang Maynila na lumaganap na sa buong kapuluan.

Ang Pilipinas ay binubuo ng mahigit na 7,100 mga pulo. Ito ay pinananahanan sa kasalukuyan ng 60 milyong mamamayan na gumagamit ng mga 87 na iba’t ibang wika. Kabilang sa mga pangunahing wika ay Tagalog, Cebuano, Ilocano, Pampanga, Bicol, Pangasinan, Hiligaynon, Waray at Maranao. Pinaniniwalaang ang mga sinaunang Pilipino ng hindi nagkaroon ng isang katutubong wika na masasalita at mauunawaan ng lahat dahil sa pagkakahiwa-hiwalay nila ng pook ngunit mayroon din namang naniniwala na ang wikang Tagalog ay ginagamit hindi lamang ng mga katutubo sa pulo ng Luzon kundi sa iba pang mga pulo.

Nang dumating ang mga Kastila sa ating bansa, hinangad nilang mapalaganap ang Kristiyanismo, kaya’t minabuti ng mga prayle na mag-aral ng iba’t ibang wikain sa Pilipinas sa halip na ituro ang kanilang wika sa mga katutubo. Sa ganitong paraan, nakapg-ambag sa wika ang mga mananakop ng Kastila dahil sa pagkakasulat nila ng aklat gramatika ng iba’t ibang wikain sa Pilipinas.

Nang panahon ng himagsikan ng sumibol sa mga manghihimagsik na Pilipino laban sa mag Kastila ang kaisipang "isang bansa, isang diwa." Kaya nga’t pinili nila ang Tagalog na siyang wikang tagalog sa panahon ng propaganda - mga sanaysay, tula, kuwento, liham at mga talumpati na punung-puno sa damdaming bayan. Kahit si Rizal at iba pang propagandista’y sumulat sa Kastila, batid nilang ang wika’y malaking bahagi upang mapagbuklod ang mga kababayan nila.

Nang dumating ang mga Amerikano, biglang naunsyami ang mithiin ng mga Pilipino ng itakda ng pamahalaan na ang Ingles ang gawing opisyal na wikang panturo sa mga paaralan. Ipinagbawal ang paggamit ng bernakular sa paaralan at sa tanggapan. Ito ang dahilan kung bakit simula noong pananakop ng mga Amerikano hanggang bago sumiklab ang pangalawang digmaang pandaigdig, hindi umunlad ang ating wika.

Ang ating mga lider na makabayan tulad nina Lope K. Santos, Cecilio Lopez, Teodoro Kalaw at iba pa ay nagtatag ng kilusan nakung saan sila ay naging masigasig sa pagkakaroon ng wikang pambansa. Nagharap ng panukula si Manuel Gillego na gawing wikang pambansa at wikang opisyal ang Tagalog subalit patuloy pa ring namayani ang Ingles.

Nang itatag ang Komonwelt, nagkaroon ng malaking hakbang tungo sa pagkakaroon ng isang wikang pambansa. Ito ay utang natin sa naging Pangulong Manuel L. Quezon, ang tinaguriang "Ama ng Wikang Pambansa."

Noong 1934, isang Kombensyong Konstitusyonal ang binuo ng Pamahalaang Komonwelt upang maisakatuparan ang pangarap ni Quezon. At upang ipalilala ang kahalagahan ng wika, isang probisyon tungkol sa Wika ang isinama sa ating Saligang Batas. Ito’y napapaloob sa Artikulo XIV, Seksyon 3 ng Konstitusyon noong Pebrero 8, 1935.

"Ang Pambansang Kapulungan ay magsasagawa ng mga

hakbangin tungo sa paglinang at paggamit ng pambansang

wikang batay sa isa sa umiiral na katutubong mga wika.

Samantalang hindi pa itinatadhana ng batas, ang Ingles

at Kastila ay patuloy na mga wikang opisyal."

Naitatag ang Surian ng Wikang Pambansa, binuo ng mga kinatawang nagmula sa mahahalagang mga rehiyon sa Pilipinas bilang mga kasapi. Pagkatapos ng puspusang pag-aaral ng iba’t ibang wika sa Pilipinas, ipinasya ng Surian na Tagalog ang siyang dapat pagbatayan ng Wikang Pambansa pagkat ito’y nagtataglay ng nalinang nang panitikan at wikang sinasalita ng nakahihigit ng dami ng mga Pilipino. Kaya, noong Disyembre 30, 1937, inihayag ni Pangulong Quezon na ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Tagalog.

Ang sumusunod ay iba’t ibang kautusang ipinairal ng ating pamahalaan tungkol sa pagkasulong ng ating wika:

Nobyembre 1936- Inaprobahan ng Kongreso ang Batas Komonwelt Bilang 184 na lumikha ng Surian ng Wikang Pambansa na naatasang gumawa ng pag-aaral ng mga katutubong wika at pumili ng isa na magiging batayan ng wikang pambansa.

Disyembre 30, 1937 - Sa pamamagitan ng Kautusang Tagapagpaganap Blg. 134 ng Pangulong Quezon, ang Wikang Pambansa ay ibabatay sa Tagalog.

Abril 1, 1940 - Ipinalabas ang Kautusang Tagapagpaganap na nagtadhana ng paglilimbag ng isang balarila at isang diksyunaryo sa Wikang Pambansa. Ipinahayag pa ring ituturo ang wikang pambansa sa mga paaralan sa buong Pilipinas na nagsimula noong Hunyo 19, 1940.

Hunyo 7, 1940 - Pinagtibay ng Batas-Komonwelt Blg. 570 na nagtadhana na simula sa Hulyo 4, 1946. Ang Wikang Pambansa ay isa sa mga opisyal na wika ng bansa.

Marso 26, 1954 - Nagpalabas ng isang kautusan ang Pangulong Ramon Magsaysay sa taunang pagdiriwang ng Linggo ng Wikang Pambansa mula sa Marso 29 - Abril 4. Subalit ang petsa ng pagdiriwang ay inilipat sa Agosto 13-19 tuwing taon.

Agosto 12, 1959- Tinawag na Pilipino ang Wikang Pambansa ng lagdaan ni Kalihim Jose Romero ng Kagawaran ng Edukasyon ang Kautusang Blg 7. Ayon sa kautusang ito, kaylaman at tutukuyin ang pambansang wika ay Pilipino ang gagamitin.

Oktubre 24,1967- Nilagdaan ni Pangulong Marcos ang isang kautusang nagtatadhana na ang lahat ng mga gusali at mga tanggapan ng pamahalaan ay panganlan sa Pilipino.

Marso, 1968 - Ipinalabas ni Kalihim Tagapagpaganap, Rafael Salas, ang isang kautusan na ang lahat ng pamuhatan ng liham ng mga kagawaran, tanggapan at mga sangay nito ay maisulat sa Pilipino.

Agosto 7, 1973- Nilikha ng Pambansang Lupon ng Edukasyon ang resolusyong nagsasaad na gagamiting midyum ng pagtuturo mula sa antas elementarya hanggang tersyarya sa lahat ng paaralang pambayan o pribado at pasisimula sa taong panuruan 1974--75.

Hunyo 19, 1974 - Nilagdaan ni Kalihim Juan Manuel ng Kagawaran ng Edukasyon at Kultura ang Kautusang Pangkagawaran Blg.25 para sa pagpapatupad ng edukasyong bilingwal sa lahat ng kolehiyo at pamantasan.

Pagkatapos ng Rebolusyon ng Edsa, bumuo muli ang pamahalaang rebolusyonaryo ng Komisyong Konstitusyonal na pinamunuan ni Cecilia Muñoz Palma. Pinagtibay ng Komisyon ang Konstitusyon at dito’y nagkaroon muli ng pitak ang tungkol sa Wika:

Artikulo XIV - Wika

Sek. 6 - Ang Wikang Pambansa ng Pilipinas ay Filipino. Samantalang nalilinang, ito ay dapat payabungin at pagyamanin pa salig sa umiiral na Wika sa Pilipinas at sa iba pang mga wika. Alinsunod sa mga tadhana ng Batas at sang-ayon sa nararapat na maaaring ipasya ng Kongreso, dapat magsagawa ng mga hakbangin ang Pamahalaan upang ibunsad at paspasang itaguyod ang paggamit ng Pilipinas bilang midyum na opisyal na Komunikasyon at bilang wika ng pagtuturo sa sistemang pang-edukasyon.

Sek. 7 -Ukol sa mga layunin ng Komunikasyon at pagtuturo, ang mga wikang opisyal ng Pilipinas ay Filipino at , hanggat walang itinatadhana ang batas, Ingles. Ang mga wikang panrelihiyon ay pantulong ng mga wikang opisyal sa mga rehiyon at magsisilbi na pantulong sa mga wikang panturo roon. Dapat itaguyod ng kusa at opsyonal ang Kastila ng Arabic.

Sek. 8 - Ang Konstitusyong ito ay dapat ipahayag sa Filipino at Ingles at dapat isalin sa mga pangunahing wikang panrehiyon, Arabic at Kastila.

Sek. 9 - Dapat magtatag ag Kongreso ng isang Komisyon ng Wikang Pambansa na binubuo ng mga kinatawan ng iba’t ibang mga rehiyon at mga disiplina na magsasagawa, mag-uugnay at magtataguyod ng mga pananaliksik sa Filipino at iba pang mga wika para sa kanilang pagpapaunlad, pagpapalaganap at pagpapanitili.

Agosto 25, 1988 - Ang Kautusang Tagapagpaganap Blg. 335 ay ipinalabas at nilagdaan ni Pangulong Corazon Aquino na nagtatadhana ng paglikha ng Komisyong Pangwika na siyang magpapatuloy ng pag-aaral ng Filipino. Gayon din, pinagtibay ang paggamit ng Filipino bilang midyum ng pagtuturo sa mga paaralan sa mga piling asignatura.

No comments:

Post a Comment